Nasawi ang isang mag-asawa at 13-ayos nilang anak na babae matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Cagayan de Oro City. Ang mabilis na paglaki ang apoy, nahuli-cam.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Gusa nitong hatinggabi ng Lunes.
Sa CCTV footage na kuha mula sa labas ng bahay ng mga biktima, makikita kung gaano kabilis nilamon ng apoy ang bahay kaya hindi na nakalabas ang mag-anak.
“Wala sila kagawas kay ila man ga lock-an ilang balay kung gabie na diha ra sila matulog sa kilid naay katre nila diha. Dili na ma sakaan ang taas kay gabok na mga kahoy,” ayon sa kapitbahay na si Joven Labunos.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), maaaring naging mabilis ang paglaki ng apoy dahil gawa sa light materials ang ikalawang palapag ng bahay.
Mayroon din umanong mga tela o damit sa bahay dahil nagtatrabaho na mananahi ang padre de pamilya.
Matagal-tagal na rin umanong walang kuryente sa naturang bahay.
Ayon kay Lapasan Fire Station Chief, Fire Inspector Louis Roy Solamo, Malaki na ang apoy nang dumating sila dahil huli na rin nang matanggap nila ang tawag tungkol sa sunog.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. – FRJ GMA Integrated News
