Natukoy na ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagpatay sa isang babae sa loob ng isang simbahan sa Liloan, Cebu. Nahuli-cam din ang naturang krimen.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na mismong ang asawa ng biktima ang nasa likod ng nangyaring pagpatay sa loob ng San Fernando El Rey Parish noong umaga ng October 24, 2025

Batay sa nakalap ng CCTV footage ng pulisya mula sa loob ng simbahan, nakita ang mag-asawa na magkatabi sa upuan nang bigla na lang tumayo ang dalawa, at sinaktan at sinakal ng suspek ang biktima hanggang sa matumba.

Kinilala ng anak ang kaniyang mga magulang sa CCTV footage na mayroon umanong problema sa pagsasama.

Ayon kay Police Lt. Col. Dindo Juanito Alaras, hepe ng Liloan Police, nag-uusap muna ang mag-asawa nang magkaroon ng pagtatalo ang mga ito hanggang sa humantong pisikalan at krimen.

Habang nakatumba na sa sahig ang babae, hindi pa matiyak ng pulisya kung tinangka ba ng suspek na i-revive ang kaniyang asawa o muli nitong sinaktan.

Napag-alam na mula sa Camotes Island ang mag-asawa, at batay sa impormasyon ng anak ay may problema sa pag-iisip umano ang suspek.

Lumitaw din sa imbestigasyon na dating nakulong ang suspek sa Negros Occidental dahil sa paglabag sa Republic Act 9262, o Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act, na isinampa ng babae.

Ngunit sa hindi pa malamang dahilan, ayon kay Alaras, mismong ang babae rin ang nagpiyansa para makalabas ng kulungan ang suspek, na patuloy pang hinahanap.

Samantala, nananatiling sarado ang simbahan, batay sa utos ng Achdiocese of Cebu, bilang bahagi ng rite of reparation at pag-aalay ng mga panalangin bunga ng insidente.

Habang nakasara pa ang San Fernando El Rey Parish Church, isinasagawa ang misa sa pastoral center, maliban sa Linggo na gagawin ang misa sa sports complex. – FRJ GMA Integrated News