Isa ang iniulat na sugatan matapos atakihin ng mga armadong lalaki na suportado umano ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang bayan ng Tipo-Tipo sa Basilan, ayon sa lokal na pamahalaan nitong Martes ng umaga.

Gayunman, nilinaw kalaunan ng kumander ng Joint Task Force Orion na si Major General Leonardo Peña na walang kinalaman ang MILF sa pagsalakay.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ng Tipo-Tipo LGU na suspendido ang mga klase, trabaho sa gobyerno, at mga aktibidad pang-ekonomiya sa lugar hanggang sa susunod na abiso matapos ang insidente.

"Tipo-Tipo under siege by lawless elements backed by MILF," sabi ng LGU.

"All classes and government work are cancelled until further notice. Everyone is advised to stay safe, and be vigilant. Pray for Tipo-Tipo," dagdag ng nito.

Humingi na ng komento ang GMA News Online mula sa chairperson ng Peace Implementing Panel ng MILF na si Mohagher Iqbal, kaugnay sa isyu ngunit wala pa siyang ibinibigay na pahayag hanggang sa oras ng pag-post.

Inihayag ni Tipo-Tipo Mayor Ingatun Istarul na isinasagawa ang negosasyon sa gitna ng standoff.

Sinabi pa niyang nakikipag-ugnayan siya sa mga kinauukulang ahensiya para matiyak ang kaligtasan ng mga residente. Pinayuhan niya ang kaniyang mga nasasakupan na manatiling kalmado, iwasan ang pagkalat ng maling impormasyon, at sundin ang mga tagubilin ng gobyerno.

“Tiwala po tayo na sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap, makakamit natin ang mapayapang solusyon sa sitwasyong ito. Magkaisa tayo at ipagdasal ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat isa,” sabi ni Istarul.

Kinumpirma ng Philipine Army na may naganap na insidente sa Tipo-Tipo at bineberipika nito ang mga detalye kasama ang mga kinauukulang unit sa lugar.

"We assure the public that the Philippine Army is on top of the situation. Our troops have been deployed to secure the area and ensure the safety of the residents," sabi ni Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala.

"Close coordination is also being maintained with the Local Government Unit (LGU) and other security agencies to restore normalcy and address the needs of the affected communities," dagdag niya.

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni Peña na “rido-related [clan war] conflict between local groups from nearby barangays” ang insidente sa Tipo-Tipo.

Sinabi ni Peña na aktibong nagpapatupad ng mga hakbang ang pamahalaang panlalawigan ng Basilan sa pakikipagtulungan sa Basilan Council of Elders, pamunuan ng MILF, iba pang awtoridad para mabawasan ang tensiyon at maibalik ang normal na kalagayan sa mga apektadong lugar.

“The presence of military forces is part of our mandate to preserve peace, maintain order, and ensure the safety of civilians. Our troops are in close coordination with the PNP, LGUs, and local community leaders to prevent further escalation and to support ongoing peace and reconciliation efforts,” sabi ni Peña.

“We call on everyone to remain calm and continue supporting the peace process, recognizing that lasting peace can only be achieved through dialogue, cooperation, and mutual understanding among all stakeholders,” dagdag niya.

Sa isang panayam sa telepono kasama ang mga reporter, sinabi ni Peña na isang tao ang sugatan sa insidente, sabay paglilinaw na hindi ang MILF ang umaatake sa Tipo-Tipo.

“Sa ngayon, ang initial report sa akin ay may isa lang na na-wounded na local ,” anang opisyal, na sinabi ring walang napaulat na nasawi sa mga tropa ng gobyerno.

“Baka mamaya ma-highlight na MILF against military. It's not,” dagdag pa niya.

Ayon kay Peña, nag-ugat ang alitan nang mamatay ang isang indibiduwal, na isang dating rebelde, sa isang away sa pagitan ng mga lokal. Nais umanong maghiganti ng naagrabyadong pamilya at umatake sa isang lokal na kapitan ng barangay.

Nauwi ito sa isang sagupaan malapit sa munisipyo.

“Yung location ay malapit doon sa munisipyo, so ang pinaka-primary area na sinecure ng ating puwersa ay yung seat of the municipal government,” sabi ni Peña.

Ayon kay Peña, humupa na ang tensiyon bandang 11:20 a.m. matapos umatras ang mga kinauukulang partido sa lugar kasunod ng negosasyon na pinangunahan ng mga matatanda. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News