Sugatan ang isang lalaki na may bitbit na P400,000 matapos na holdapin ng suspek na armado ng baril sa Binangonan, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing pauwi na ang biktima mula sa trabaho nang holdapin siya ng suspek sa isang eskinita sa Barangay Calumpang, ilang metro na lang ang layo sa kaniyang bahay.

Hinatak, tinutukan at pinalo ng baril sa ulo ang biktima na dahilan para matumba ito.

Pilit pa umanong nanlaban ang biktima at inihagis ang kaniyang mga gamit, kasama na ang isang ecobag na naglalaman ng pera na nasa P400,000.

Bukod sa sugat sa ulo, nagkasugat din sa siko at paa ang biktima.

Nakita umano ng biktima ang mukha ng suspek na may balbas at maliit na tao lang. May kasabwat din ito na naghihintay sa kotse na nakuhanan sa CCTV camera nang tumakas na.

Patuloy na tinutugis ang mga suspek, na ayon sa barangay ay posibleng dayo lang sa kanilang lugar.—FRJ GMA Integrated News