Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang batang babae na pitong-taong-gulang na nakitang nakasilid sa sako at walang saplot pang-ibaba sa loob ng kanilang bahay sa Lambunao, Iloilo.
Sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado sa Barangay Tampucao.
Ayon sa lola ng biktima, iniwan sa kaniyang bahay ang biktima. Ngunit nagpaalam umano ang bata na uuwi muna sa kanilang bahay para manood ng TV.
Gayunman, hindi na umano bumalik sa kaniyang bahay ang bata kaya pinuntahan ng lola ang kabilang bahay at doon na niya nakita ang apo na nakasilid sa sako sa loob ng banyo.
Ayon sa tiyahin ng biktima, may pulso pa noon nang matagpuan nila ang bata kaya isinugod nila sa ospital pero idineklara nang dead on arrival.
“Hindi man lang niya inisip ang ginawa niya sa bata, wala siyang awa sa bata, pinatay pa niya,” hinanakit ng tiyahin.
“Nakatali ang sako, nang binuksan na, nakatali rin ang leeg nung bata. Nang binuhat na wala nang panty at short,” dagdag pa niya.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para alamin kung ginahasa siya at ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Lima naman ang itinuturing persons of interest ng pulisya sa kaso, kasama ang lolo ng biktima. Isinailalim sila sa swab test. – FRJ GMA Integrated News
