Nakaligtas sa ambush ang isang dating board member sa Maguindanao del Sur dahil sa pagiging bulletproof ng kaniyang sasakyan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang pananambang kanina sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Mismong ang biktima na si Taharuddin Mlok ang nagmamaneho umano ng sasakyan nang pagbabarilin siya ng mga salarin na nakatakas.

Makikita ang mga tama ng bala sa windshield, bintana sa driver’s side at pintuan ng sasakyan.

Patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad ang insidente, at sinisikap pang makuhanan ng pahayag si Mlok.—FRJ GMA Integrated News