Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang dalawang rider matapos magkasalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa Davao City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Davao-Bukidnon Road, malapit sa SPED Tugbok Elementary School nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, edad 25 ang isa sa nasawing rider na residente ng Mintal, habang 65-anyos naman ang isa pang rider na residente ng Toril.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, ang 25-anyos na rider na galing sa Mintal Barangay Hall ang nakabangga umano sa motorsiklong minamaneho ng senior citizen na rider.
Naging malakas umano ang banggaan ng dalawa at idineklara silang dead on arrival sa ospital. – FRJ GMA Integrated News
