Patay ang isang binatilyo matapos siyang sumingit sa gilid ng isang papalikong truck at mahagip ng sasakyan sa Mandaue, Cebu.

Sa video na nakalap ng GMA Regional TV na iniulat sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa dash cam video ang paglalakad ng binatilyo sa gilid ng kalsada sa Barangay Tingub.

Ilang saglit lamang, biglang tumakbo at sumingit sa gilid ng palikong truck ang binatilyo.

Biglang napahinto ang sasakyan. Nahagip na pala nito ang biktima.

Sinabi ng kapitan ng barangay na patay ang biktima na isang Grade 9 student.

Paliwanag naman ng truck driver, na nasa kustodiya ng pulisya, hindi niya nakita ang biktima.

Sinusubukan pang makunan ng pahayag ang mga kaanak ng pumanaw na binatilyo. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News