Isinugod sa ospital ang 25-anyos na driver ng isang kotse na nahati at nagkayupi-puti matapos na bumangga sa poste at gate sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng madaling araw sa Manila East road sa bahagi ng Barang San Juan.
Sa CCTV footage, makikita na mabilis ang takbo ng kotse nang sumalpok ito sa poste ng ilaw at pagkatapos ay tumama sa isang gate.
Tatlong naglalakad ang muntik pang tamaan ng kotse na mabuting minor injuries lang ang tinamo.
Dinala naman sa ospital ang driver ng kotse na sugatan sa insidente.
Ayon sa saksing security guard, lubhang malakas ang impact nang bumangga ang kotse.
Inihayag naman ng pulisya na self-accident ang nangyari matapos na mawalan ng kontrol ang driver sa kaniyang kotse na dahilan ng pagbangga nito sa poste.
Posible umanong maharap sa reklamong damage to properties ang driver.
Sinusubukan pang maluhanan ng pahayag ang kamag-anak ng driver, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News
