Sumabog ang ilegal na pagawaan ng paputok sa Dagupan City, Pangasinan na ikinasugat ng limang tao. Paglalarawan ng ilang residente, parang bulkan na sumabog ang pagawaan at tila lumindol dahil sa lakas.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Linggo ng hapon sa Barangay Tebeng.

Sa video footage, tanaw kahit sa malayong lugar ang makapal na usok na nilikha mula sa sumabog na pagawaan.

“Parang bulkan na sumabog, napakataas. Ang lakas ng lindol,” ayon sa residente na si Angel Abalos.

Ilang bahay ang napinsala at nabasag ang mga bintana sa lakas umano ng pagsabog.

Bukod sa limang nasugatan, sinabi ni Dagupan City Fire Marshal FCInsp. Jun Eland Wanawan, na apat na bahay ang nagtamo ng pinsala.

“Based sa report natin ay nasa apat na bahay yung nagtamo ng damage… Yung majority ng damage nila is [dahil] sa pagsabog,” saad nito.

Inihayag naman ni Dagupan City Police Office Director, Police Colonel Orly Pagaduan, na lumalabas sa paunang imbestigasyon na nagsasagawa ng testing ng paputok ang mga tauhan sa pagawaan na walang kaukulang safety equipment.

“Accordingly, nagti-testing sila. At walang roof yung pagawaan, tolda lang. May nakakalat na black powder doon at natamaan ng baga,” anang opisyal.

Sinabi pa ng opisyal na illegal ang operasyon ng pagawaan at wala itong permit.

Isa umano sa mga sugatan ang malubha ang kalagayan.

“Initially, tatlo po yung tinakbo sa ospital. After two hours, may dalawa pa na matanda kasi na nasabugan ng mga bubog. Yung isa is nandoon sa loob ng pagawaan, then yung dalawa is nandoon sa loob ng bahay na katapat ng pagawaaan,” ani Pagaduan.

Sinabi rin umano ng mga residente na hindi nila alam na may pagawaan ng paputok sa compound, na boarder umano ang karamihan ng nakatira..

“Kailangan malayo po yung pagawaan ng mga paputok sa mga structures, lalong-lalo na sa mga bahay,” ayon kay Wanawan.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One North Central Luzon na makuhanan ng pahayag ang may-ari ng pagawaan. – FRJ Integrated News