Apat katao ang patay matapos araruhin ng isang truck ang ilang sasakyan sa Surigao City. Ang driver ng truck, posibleng nakatulog, ayon sa pulisya.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Miyerkoles, sinabing pumailalim sa nakabanggang truck ang parehong sakay ng isang motor, habang tumilapon naman ang dalawang sakay ng isa pang motorsiklo.
Lumabas sa imbestigasyon na agad na lumihis sa linya ang truck at una nitong nabundol ang isang van bago ang dalawang motorsiklo. Damay din sa karambola ang isa pang nakaparadang motorsiklo.
Ligtas naman ang mga nakasakay sa van.
Sinabi ng pulisya na posibleng nakatulog ang driver ng truck, na nasa kustodiya na ng Surigao City Police.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente, habang walang pahayag ang driver ng truck.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
