Nasawi ang isang driver nang bumangga ang minamaneho niyang tricycle sa isang poste at nahulog sa irrigation canal sa Cabanatuan City. Ang biktima, magpapa-checkup sana sa health center at may pitong kasama, bilang ang kaniyang asawa at mga anak nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Bakod Bayan.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagmamaneho ng tricycle ang 48-anyos na driver at papunta sana sa health center para magpa-check-up.
Kasama rin niya sa tricycle ang kaniyang asawa, dalawang anak, dalawang kapitbahay na may kasama ring mga anak.
Pero bigla umanong nawalan ng kontrol ang driver sa tricycle hanggang sa bumangga sila sa isang poste at mahulog ang mga sakay sa katabing irrigation canal.
Nailigtas naman ng mga sumaklolo ang mga sakay ng tricycle, maliban sa driver.
Hinihinala ng mga imbestigador na nakaranas ng epileptic attack ang driver kaya nawalan siya ng kontrol sa manibela, at patay na nang makuha sa irrigation canal.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang pamilya ng driver at ang pulisya sa nangyaring insidente.—FRJ GMA Integrated News
