Sugatan sa ulo ang isang lalaki matapos hatawin ng bareta habang natutulog sa kanilang bahay sa Cebu City. Ang hinihinalang ugat ng krimen, ang hindi umano pagpayag ng biktima na ipahiram sa suspek ang bago niyang cellphone.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bahay ng biktima sa Sitio Lumbani, Barangay Guadalupe, noong gabi ng Miyerkoles.
Ayon sa biktimang si Ashley Luminog, 28-anyos, na kinailangang dalhin sa ospital dahil sa tinamong sugat sa ulo, nagising na lang siya sa paghataw sa kaniyang ulo at may dugong lumabas.
Nakita umano niya ang suspek na kasama niya sa bahay na si Alyas Tibo, na muli sana siyang hahatawin pero nahawakan na niya ang bareta.
Naaresto naman ang suspek na nakakulong sa Guadalupe Police Station.
Tumangging magpaunlak ng panayam ang suspek pero nagsisisi raw siya sa kaniyang ginawa.
Ayon sa biktima, posibleng nagawa ng suspek ang krimen dahil sa inggit dahil natutuwa sa kaniya ang kanilang pamilya, at nakabili siya ng bagong cellphone na hindi niya rito ipinahiram.
Desidido rin ang biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.—FRJ GMA Integrated News
