Apat ang nasawi matapos na salpukin at pumailalim ang isang tricycle sa delivery van na nawalan umano ng preno sa Tagkawayan, Quezon.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing agad na nasawi sa sakuna ang driver ng tricycle at tatlo niyang pasahero.
Malubha naman ang kalagayan sa ospital ng isa pang pasahero ng tricycle.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na bumibiyahe ang delivery van sa pababang bahagi ng Quirino Highway sa Barangay Cecilia nang mapunta ito sa linya ng tricycle at salpukin ang mga biktima.
Pumailalim sa van ang tricycle at nakaladkad pa.
Idinahilan umano ng driver na mabigat ang karga ng kaniyang sasakyan at nawalan ito ng preno, at hindi na niya nakontrol sa manibela.
Wala pang pahayag ang kompanya na may-ari ng delivery van, habang sinusubukan na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.—FRJ GMA Integrated News
