Apat sa 14 na pulis na inakusahang gumahasa sa isang 18-anyos na babae sa Bacoor City, Cavite ang nagpahayag umano ng kagustuhan na sumuko, ayon sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG). Ilang gamit din umano ng biktima ang kinuha ng mga pulis.

“Update lang po kasi alam naman natin walo yung nakuha [nasa kustodiya] kahapon, six are at large,” ayon kay PDEG acting director Police Brigadier General Elmer Ragay sa isang press briefing nitong Lunes.

“Four of them are sending in feelers for possible voluntary surrender. Pinipilit pa po natin ma-account silang lahat,” dagdag niya.

May kabuuang 15 pulis ng PDEG Special Operation Unit 4A ang inalis na sa puwesto kasunod ng insidente. Kasama rito ang kanilang komandante alinsunod sa command responsibility.

Ayon kay Ragay, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang 14 na pulis pero nakatakas ang kanilang pakay na hulihin.

Ang biktima na nobya ng drug suspect ang dinakip ng mga pulis na humantong umano sa panggagahasa.

Sa isang pahayag nitong Linggo, iginiit ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila kinukonsinti ang pang-aabuso, maling gawa, at ibang aksyon ng kanilang mga tauhan na nakasisira sa tiwala ng publiko.

Tiniyak ng liderato ng PNP ang “swift and appropriate consequences” laban sa mga abusadong pulis.

“The organization maintains zero tolerance for abuse, misconduct, or any action that undermines public trust. Personnel who perform with dedication, honesty, and honor will be duly recognized and rewarded,” deklara ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez.

“Conversely, those who deviate from these standards will face swift and appropriate consequences under the law,” dagdag niya.-- Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News