Isang bagong silang na sanggol ang tinangay ng isang babaeng nagpanggap na nurse sa loob ng isang ospital sa Koronadal City. Ang suspek, naaresto matapos pumunta sa ibang pagamutan para ipa-check-up ang sanggol na kaniyang kinuha.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, nanawagan sa social media ang 23-anyos na ama ng sanggol na babae para ipanawagan ang nangyaring pagtangay ng suspek sa kaniyang anak noong Linggo ng umaga.
Ayon sa tagapagsalita ng Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12), sinabi ng ama na dalawang araw pa lang isinisilang ang sanggol nang lapitan sila ng suspek na nagkunwaring susuriin lang ang kalagayan ng bata.
“Yung unidentified female, dinescribe niya na siguro mga 5’2 ang height, medyo small built niya, siguro nasa late 20’s at nakadamit ito ng green uniform, black hijab, at meron siyang black face mask. In-introduce niya ang sarili niya na isang nurse staff doon sa ospital, yun kinuha niya yung infant,” sabi ni PRO-12 Spokesperson, Police Major Rissa Hernaez.
Sa hot pursuit operation ng mga awtoridad, nakita sa Barangay Avanceña ang isang eco-bag na naglalaman ng gamit ng sanggol na iniwan ng suspek.
Nitong Lunes, nadakip ang suspek at nabawi ang sanggol nang dalhin niya ang bata sa ibang ospital para ipa-check-up.
Nagduda umano ang mga kawani ng ospital sa suspek kaya itinawag nila sa pulisya.
Positibo namang itinuro ng ama ng bata na ang suspek ang kumuha sa kaniyang anak.
Ayon sa pulisya, unang sinabi ng suspek na ibinigay lang sa kaniya ang bata. Pero sa huli, idinahilan nito na nagawa niya ang krimen dahil nakunan o nalaglag ang sanggol sa kaniyang sinapupunan at hindi raw iyon alam ng kaniyang kinakasama.
Plano raw niya sanang gamitin pamalit ang sanggol sa hindi niya natuloy na pagbubuntis.
Posibleng maharap ang babae sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Iimbestigahan din ng pulisya ang seguridad sa ospital kung saan nakuha ng suspek ang sanggol.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng sanggol at pamunuan ng ospital, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News
