Nasawi ang 11 sa 13 sakay ng isang UV Express matapos na salpukin ng isang truck ang kanilang sasakyan sa Camalig, Albay nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa Facebook post ni Camalig mayor Caloy Baldo, sinabi niya na inabot ng walong oras ang rescue and retrieval operation sa mga biktima ng sakuna na naganap sa bypass road sa bahagi ng Barangay Libod dakong 9:00 a.m.
“Sa 13 sakay ng UV Express Van (Nabua–Legazpi route), dalawa lamang ang nakaligtas,” saad ng alkalde sa post.
Nakaligtas umano ang driver ng truck at pahinante nito na dinala sa ospital.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na nawalan umano ng preno ang truck at nabangga nito ang van at nahulog sa creek ang dalawang sasakyan.
Nagpaabot ng pakikiramay ang alkalde sa mga naulila ng mga nasawing biktima. – FRJ GMA Integrated News
