To the rescue ang mga residente sa kanilang kapitbahay na pinasok ng magnanakaw at tinangka pang pagsamantalan sa Mangaldan, Pangasinan. Ang suspek, lupaypay at duguan sa inabot na gulpi.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente noong Linggo ng gabi sa Barangay Guilig.

Sa isang amateur video, makikita ang 29-anyos na suspek na nakahandusay sa sahig at duguan habang nasa loob pa ng bahay na kaniyang pinasok.  

Ayon sa pulisya at base sa kuha ng CCTV camera, nakapasok ang suspek sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagdaan sa likod ng bahay at lumusot sa bintana.

“Talagang wala po siyang cover sa mukha at binubuksan 'yung mga gate, 'yung mga pinto, pero alam niya na may mga CCTV na nakikita siya,” ayon kay Police Lt. Col. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station.

Sa loob ng bahay, kinuha umano ng suspek ang isang laptop, cellphones, at perang cash. Pero hindi pa nakontento, pinasok niya ang isang kuwarto kung saan natutulog ang biktimang itinago sa pangulong “Isabela,” at kasama nito ang anak.

Tinangka umano ng suspek na abusuhin ang biktima na mabuting nakaligtas sa pagtulong ng mga kapitbahay.

“Noong nagkatinginan po kami, dinakma niya po ako. Tinakpan po niya yung bibig ko po,” ani Isabela. “Sa totoo lang, [na-]trauma kami doon po sa nangyari.”

Nagawa ng anak ni Isabela na makahingi ng tulong at agad na umaksyon ang mga kapitbahay nila. Bukod sa nahuli ang suspek, nabawi rin ang mga gamit ng biktima.

Ayon sa pulisya, may dati nang reklamo laban sa suspek sa ibang barangay. Sasampahan siya ng reklamong robbery at attempted rape.

Wala namang pahayag ang suspek na nakadetine na sa pulisya.—FRJ GMA Integrated News