Nahaharap sa reklamo ang isang Egyptian matapos siyang magalit at sampalin ang isang hairstylist sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV footage na lumapit ang Egyptian at hinablot ang hairstylist na may kliyenteng inaayusan na asawa pala ng dayuhan.

Inakbayan ng dayuhan ang hairstylist at bahagyang pinitik ang mukha nito.

Bumalik sa upuan ang dayuhan ngunit ilang saglit lang, tumayo siya ulit at galit na binalikan ang hairstylist.

Hinawakan na niya sa ulo at sinampal sa kanang pisngi ang haristylist.

Lumabas sa imbestigasyon na nagalit ang dayuhan dahil gusto niya na siya ang kausapin ng hairstylist tungkol sa gupit na gagawin sa kaniyang misis.

Desidido ang biktima na magsampa ng reklamo sa dayuhan, na sinusubukan pang kunan ng panig. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News