Isang pulis ang nasawi matapos siyang saksakin nang rumesponde ang biktima sa nangyayaring kaguluhan na kagagawan umano ng ilang lasing na lalaki sa El Nido, Palawan.
Sa ulat ni Wilmar Abrea ng Super Radyo Palawan sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen kaninang madaling araw dakong 2:15 am sa Real Street sa Barangay Maligaya.
Ayon sa pulisya, nakatalaga ang nasawing pulis sa El Nido Municipal Police Station (MPS), habang sugatan din ang isang 28-anyos na tour guide.
Sa imbestigasyon, sinabing sakay ng motorsiklo ang tour guide kasama ang kaniyang asawa, nang bigla silang inatake ng nasa walong lalaki na umano’y mga lasing.
Kaagad namang rumesponde ang biktima at kasama niyang mga pulis sa lugar at nagtakbuhan ang mga suspek, Hinabol ng biktimang pulis ang mga suspek pero isa sa mga suspek ang sumaksak sa kaniyang tagiliran.
Dinala ang pulis at tour guide sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ang pulis.
Apat sa mga suspek ang nadakip, kasama ang umano’y sumaksak sa pulis. Narekober din ang patalim na ginamit sa krimen. – FRJ GMA Integrated News

