Galit na nagluluksa ang pamilya ni “Bella,” ang batang babae na nangangaroling lamang ngunit ginahasa at pinatay sa Santo Tomas, Batangas.

Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, tinawag ni Marivic Caspe na mga halimaw ang mga suspek sa paglapastangan nila sa limang taong gulang na bata.

Si Caspe ang tumayong ina ni Bella pagkatapos nito maulila sa edad na siyam na buwan.

“Hindi siya tao, hayop siya, demonyo siya,” sabi ni Caspe. “Hindi talaga siya tao dahil kung tao siya, hindi niya gawain.” 

Inamin ni Caspe na madalas siyang mag-alaala kapag nangangaroling si Bella dahil baka ito makagat ng aso. Ngunit ang kanyang sinapit ay mas malala pa sa kayang gawin ng aso.

Base sa kuha ng CCTV, nakitang pumasok si Bella sa isang bahay nung Biyernes, Disyembre 19 habang siya ay nangangaroling.

Kinabukasan, natagpuan siyang patay at nakasilid sa isang sako. Agad na inaresto ang dalawang salarin na inamin ang pagpatay nila at paggahasa sa batang babae.

Inamin ng isang 22 anyos na suspek na nakagamit sila ng pinagbabawal ng gamot nung ginawa nila ang krimen. Dagdag nya, ilang beses nang nangaroling ang bata sa bahay at matagal na nilang pinagplanuhan ang krimen.

Ayon kay Police Regional Office-4A regional director Brigadier General Paul Kenneth Lucas, ipinag-utos nya sa hepe ng Sto. Tomas police na masusing tingnan lahat ng ebidensya upang hindi na makawala pa ang mga salarin.

Kinondena din ng pamahalaang lungsod ng Sto. Tomas ang krimen at nagpaabot ng burial assistance para sa pamilya ni Bella.

Samantala, nagsagawa ng kampanya ang mga pulis ng PRO-4A sa mga magulang kung saan nangyari ang krimen upang maiwasan ang pang-aabuso sa kanilang mga anak.

“Maging alerto po sila. Ingatan nila ang kanilang mga anak. Huwag po ipagkatiwala kahit kanino,” sabi ni PRO-4A Regional Community Affairs and Development chief Captain Maribel Sarmiento. — JMA GMA Integrated News