Patay ang isang negosyanteng 53-anyos matapos siyang tambangan at pagbabarilin sa kaniyang sasakyan sa Bayambang, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Nalsian Sur noong Sabado, January 24.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, sakay ng kotse ang biktima papunta sa kaniyang driving school nang pagbabarilin siya ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Nagtamo ng tama ng bala ang biktima at idineklarang dead on arrival, ayon sa pulisya.

Hustisya naman ang panawagan ng kapatid ng biktima.

Sinusuri na umano ng pulisya ang mga CCTV footage at nagsasagawa ng backtracking operations para matukoy ang mga pagkakakilanlan ng mga salarin.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Bagsic, hepe ng Bayambang Police Station, personal na usapin na may kinalaman sa negosyo ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.

“Meron na po kaming person of interest na sinusundan at nakita na po namin ang mga involved na sasakyan. Ongoing po request ng mga cross matching, sa forensic unit natin, sa Regional Anti–Cybercrime Unit kasi napakalaking bagay po ng cellphone na nakuha namin sa biktima,” pahayag ng opisyal. – FRJ GMA Integrated News