Patay ang dalawang magkaibigang babae matapos silang pagsasaksakin sa bahay ng isa sa mga biktima sa Barangay Balaya sa San Carlos City, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, nakita ang duguang katawan ng isa sa mga biktima sa loob mismo ng bahay nitong madaling araw ng Huwebes.
Habang ang isang biktima, nakalabas pa ng bahay at nakita ang duguang katawan sa kalsada. Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.
Ayon sa kaanak ng isa sa mga biktima, galing sa lamay ang dalawa, at nakitulog lang doon ang kanilang kaanak sa bahay ng kaibigan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang salarin at ano ang motibo sa krimen.
Mayroon na umanong person of interest ang mga awtoridad pero tumanggi silang pangalanan ito habang isinasagawa pa nila ang imbestigasyon.—FRJ GMA News
