Nag-viral kamakailan ang isang pulis matapos niyang pababain at hatakin mula sa utility van ang isang nakabanggaang senior citizen na driver. At nang makababa ang driver, pilit pa niya itong pinosasan na nauwi sa pakikipambuno ng dalawa. Paano nga ba dapat ang tamang pag-aresto lalo na sa mga menor de edad, buntis, at senior citizens? Alamin.
Sa segment na Ask Atty. Gaby sa GMA show na Unang Hirit nitong Biyernes, sinabing trending din ang naturang pulis matapos siyang makipagsagutan kay National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Calinisan sa isang punong balitaan, na sinabihan niyang “nagpapapogi sa media.”
Sibak na ngayon sa puwesto ang pulis, at nasa restrictive custody.
Dagdag ng NAPOLCOM, dati nang may kaso ang pulis na administratibo kaya aalamin nila kung ano ang nangyari sa naturang asunto.
Ayon kay Atty. Gaby, nasa rules of court ang basic rule ng pag-aresto sa isang tao, habang nakasaad naman sa police manual kung paano dapat gawin ang isang pag-aresto at mga partikular na detalye nito.
Kung isang menor de edad ang aarestuhin, may mga umiiral na special laws kung paano tratuhin ang isang child in conflict with the law.
Kung isang senior citizen naman ang sangkot, meron ding special instructions, ayon sa batas patungkol sa mga senior citizen.
Kung aarestuhin ang isang tao, dapat siyang masabihan tungkol sa kaniyang pag-aresto, at ang detalye nito.
Kailangan din na ma-“Mirandarized” ang isang tao, o masabihan ng mga karapatan [Miranda Rights] bilang isang arestado.
Nakasaad sa Miranda Rights ang madalas na sinasabi sa mga palabas na, “You have the right to remain silent, anything you say can and will be used against you in a court of law… you are entitled to counsel,” na maaari ding sabihin sa Tagalog.
Matapos nito, poposasan na ang tao at dadalhin sa pinakamalapit na presinto o jail.
Pagposas
General rule sa pag-aresto na kung isang adult ang aarestuhin, gagamitan ito ng posas kung medyo agresibo, o nagpapakita ng isang dahilan kung bakit siya dapat posasan.
Isa pang dahilan ang pagkakagawa niya ng violent crime, dahilan na posibleng maging marahas siya.
Maaari ding gumamit ng posas, kung magulo o chaotic ang paligid o ang mga pangyayari, dahil mahihirapan ang arresting officer na mapanatili ang kontrol lalo kung maraming tao at magulo, o kung may banta na kukuyugin ang suspek.
Gayunman, bawal posasan ang mga menor de edad. Hindi rin madalas na pinoposasan ang mga buntis, mga senior citizen, lalo na kung talagang mukhang may edad na, at ang mga PWD, puwera na lamang kung nagpapakita ng aktuwal na banta na magiging problema ito.
“Maximum restraint ang rules sa mga vulnerable individuals tulad ito at dapat i-check ang mga ito for hypertension at ibang medical condition,” payo ni Atty. Gaby.
Pagdating sa paggamit ng dahas, ginagamit kung ano lamang ang kinakailangan “under the circumstances,” na tinatawag na “reasonable force” sa ilalim ng batas.
Kung sumusunod naman ang dadakpin at kalmado, hindi na kailangan ng dahas. Pero kung nanlalaban, maaaring gamitan ng puwersa o dahas na kailangan para maposasan at dalhin sa presinto. – FRJ GMA News
