Isang pulis ang nasawi matapos maaksidente at bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa center island sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Gran Europa sa Barangay Lumbia nitong Lunes, June 15, 2026.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pauwi na ang biktimang pulis na isang patrolman na galing sa kaniyang duty nang mangyari ang insidente.
Posible umanong may iniwasan ang biktima kaya nawalan ng kontrol sa manibela at bumangga ang motorsiklo sa center island.
Nasawi ang pulis ilang saglit matapos siyang madala sa ospital.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) sa naulilang pamilya ng biktima.—FRJ GMA News
