Nakamit ni MrBeast ang isa pang makasaysayang tagumpay matapos umabot na sa 500 milyon ang subscribers niya sa YouTube. Dahil dito, siya ang maging kauna-unahang content creator na nakaabot sa naturang bilang kaya naman binigyan siya ng kakaibang YT Play Button.
Sa Instagram, ibinahagi ni MrBeast ang mga larawan niya habang ipinapakita ang pinakabagong YouTube Play Button na ginawa bilang pagkilala sa kaniyang pambihirang record.
Siya rin ang kauna-unahang tao na nagmamay-ari ng natatanging play button bilang pabuya sa kaniyang nagawa.
Kumuha rin ng larawan si MrBeast, o Jimmy Donaldson ang tunay na pangalan, sa harap ng kaniyang Play Button wall, at makikita ang paglago ng kaniyang bilang ng subscribers sa video-sharing platform mula 100,000 hanggang 500 milyon.
“Had to update the play button wall,” saad niya.
Noong Enero 2025, naging engage si MrBeast sa kaniyang partner na si Thea Booysen.
Ayon sa ulat ng People, plano ng magkasintahan na ikasal sa isang isla "where we're far away from just about everybody."
Bukod sa pagiging content creator, nasa food business din MrBeast. Noong 2023, dinala niya ang kaniyang burger brand sa Pilipinas sa pakikipagtulungan sa JustKitchen Philippines.—Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

