Nilinaw ni Ian de Leon ang layunin ng One-Person Corporation (OPC) na itinatag upang pangasiwaan ang pamana at legacy ng kaniyang yumaong ina na si Nora Aunor. Naniniwala din siyang maaayos ang hindi pagkakaunawaan sa kanilang magkakapatid, at nagpaliwanag din tungkol sa mana.

Sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Biyernes, sinabi ni Ian na ang OPC ang nagsisilbing legal structure na mangangasiwa sa dalawang usapin: ang Nora Aunor Enterprise, na para sa mga proyektong kumikita, at ang Nora Aunor Foundation, isang organisasyong hindi naman para sa kita.

Ayon kay Ian, layunin ng Nora Aunor Enterprise na gumawa ng mga konsiyerto, palabas, dokumentaryo, exhibits, musicals, at iba pang proyekto na nakatuon sa buhay at mga nagawa ng Superstar.

Samantala, ang bahagi ng kikitain ng enterprise ay mapupunta sa Nora Aunor Foundation.

“‘Yung enterprise ay sa for profit entity, meaning to say we have plans of doing shows, concerts, documentary, exhibits, whatnot, musicals and stuff like that that’s why established also the other entity, the Nora Aunor Foundation, so that 15% of the proceeds from the enterprise will go to the foundation,” paliwanag ni Ian.

Naging kontrobersyal ang pagtatatag ni Ian ng OPC matapos sabihin ng kaniyang adopted sister na si Matet de Leon na hindi sila naabisuhan tungkol sa kaniyang mga plano.

Gayunman, nilinaw ni Ian na unang tinalakay ang konsepto ng OPC sa ika-40 araw na paggunita sa pagkamatay ni Nora sa Libingan ng mga Bayani, at naroon umano ang kaniyang apat na kapatid.

Ayon sa aktor, naipaalam niya noon sa lahat ang kaniyang mga plano.

"I wanted them involved," ani Ian. “This was still a concept during that time and I want them to be involved with the plans that I have, to continue mom’s legacy and I think ‘yung time na ‘yun they weren’t ready. It was still a concept. But I told them I would pursue this. I’m willing for everyone to be onboard.”

“I told them. In fact, there was a meeting that was held sa Zoom where Matet was also there twice. She was aware,” dagdag niya.

Nang tanungin tungkol sa kasalukuyang estado ng kanilang relasyon, sinabi ni Ian na normal lamang ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng pamilya, lalo na kung sila ay nasa mata ng publiko.

“As far as I’m concerned kasi, in a family unit — unfortunately for us kasi we’re, you know, public. Everyone knows what’s happening. But people have to understand that family units have their own misunderstandings,” ani Ian.

“So para sa akin, it’s only a matter of time. I would let time take its own course. You know, I don’t want to force anything until it’s the right time for things to be solved,” saad niya.

Sa kabila ng magkakaibang pananaw nilang magkakapatid, naniniwala si Ian na darating ang panahon na magkakaisa silang mapanatili ang legacy ng kanilang ina na si Nora.

“I would do whatever it is to uphold mom’s legacy and to fulfill what her dream was while she was still around," sabi ni Ian.

"This is not for me, it’s for mom. People have to understand, it’s for her legacy, the continuation of her legacy because that’s what we want eh," dagdag niya.

Binigyang-diin din niya na ang inisyatibong ito ay hindi para sa pansariling interes kundi upang parangalan ang buhay ni Nora—mula sa pagiging isang batang nagtitinda ng tubig at mani sa estasyon ng tren hanggang sa pagiging Superstar at kalaunan ay isang Pambansang Alagad ng Sining.

“Just because she passed away doesn’t mean her legacy would end there. It's more on extending her inspiration from a little girl whose selling water and peanuts sa train station to becoming a superstar and ultimately a National Artist,” ani Ian.

“We want to uphold that. Siguro our opinions may differ but ultimately I can see in the future na you know we will all connive into one certain purpose,” patuloy niya.

Tinalakay rin ni Ian ang mga espekulasyon na may kaugnayan sa mana ang tensyon sa kanilang pamilya.

Nilinaw niya na ang paghahati ng ari-arian ay isang legal na proseso na nangangailangan ng panahon.

“Just to make things clear, the mana issue. I just wanna set the records straight, things take time. It’s not like your mother passes today, the next week may mana. Everything has to be dealt legally,” pagbahagi ni Ian.

“I’m no legal expert but I’m sure as heaven that I will have a crash course on legalities in order for this to have order and structure kasi one reason why decided to pursue this is i don’t want mom’s name to be used freely, loosely by anyone who does things for their personal gain,” paliwanag niya.

Nang tanungin kung magiging parehas ba siya sa kaniyang mga kapatid kaugnay ng ari-arian ng kanilang ina, pagtiyak niya:

"Of course. Definitely. For me I would do the things that just need to be done right now. It's hard kasi Tito Boy to focus on what’s happening, all the discussion that’s been thrown around especially with what’s happening with the siblings and all,” paliwanag ni Ian.

“But I have to keep our focus on extending and doing what needs to be done in order to establish mom’s legacy and to continue that for further generations,” sabi pa niya.

Pumanaw si Nora Aunor noong Abril 16, 2025 sa edad na 71. Ayon kay Ian, ang nag-iisang biological child ng Superstar, acute respiratory failure ang ikinamatay ng kaniyang ina. – FRJ GMA News