Nasawi ang isang 14-anyos na babae matapos siyang matuklaw ng isang king cobra na kilala sa lugar bilang "banakon." Ang biktima, tinangkang protektahan ang kaniyang mga pinsan mula sa ahas habang nasa sapa sila sa Maitum, Sarangani.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang sapa sa Barangay Batian nitong noong Lunes, Hulyo 13, 2026.

Ayon sa tiyuhin ng biktima, maliligo sana ang dalagita kasama ang tatlo niyang mas batang pinsan nang biglang lumitaw ang ahas at tangkang aatakihin ang mga bata.

Agad na niyakap umano ng dalagita ang kaniyang mga pinsan upang maprotektahan ang mga ito. Habang ginagawa niya iyon, ang dalagita ang tinuklaw ng ahas sa ibabang bahagi ng kaniyang likod.

Nagawa pa ng biktima na makauwi at maikuwento sa kaniyang pamilya ang nangyari.

Agad naman siyang isinugod ng kaniyang pamilya sa isang pagamutan, ngunit hindi na siya umabot nang buhay.

“Pagdating dito sa bahay… ’Tito, ganito ang nangyari sabi niya… kinagat ako ng ahas na ‘yung tatlong bata sana (matuklaw), sabi niya,” saad ni Sannyboy Talis Boone.

Nagbigay na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na bantayang mabuti ang mga bata upang maiwasan ang mga katulad na insidente. P

inayuhan din nila ang sinumang matuklaw ng ahas na agad magtungo sa pinakamalapit na pagamutan upang mabigyan ng wastong lunas. – FRJ GMA News