Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinimulan na nitong tugunan ang ginawang pagtatapon ng basura ng lokal na pamahalaan ng Subic, Zambales sa lupain ng mga katutubong Aeta. Nangyari ito matapos na lumabas ang dokumentaryo ng I-Witness ng GMA.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, ipinakita sa dokumentaryong "Ibinasurang Paraiso" ni Kara David, kung papaano ginawang tambakan ng basura ang lupain sakop ng komunidad ng mga Aeta.
Dahil sa mga basura, bumaho ang lugar na may mga kasamang medical waste at nakokontamina umano ang pingkukunan ng tubig ng komunidad.
Ayon kay Marites Gonzales, isang residenteng Aeta, sinabi sa kanila noong una na pagagandahin ang lugar, ngunit makalipas ang ilang buwan ay nagsimula nang magtapon doon ng basura na nakasakay sa mga truck.
"‘Yun nga po ang sabi nila, pagagandahin daw 'yun. Pagkabilang po ng ilang buwan, naayos na po 'yun. 'Yun na nga po, may mga malalaki nang truck na may lamang basura," saad niya.
Sinabi naman ng Subic Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) na hindi nila alam na may komunidad ng mga katutubo sa lugar.
"Hindi namin alam, ma'am, na may community doon sa area," ani Mary Grace Molina, OIC ng MENRO.
Ayon kay Subic Municipal Engineer Marian del Castillo, ginamit ang lugar bilang pansamantalang tapunan dahil sa napakaraming basurang kailangang itapon.
"During that time po, ang gusto lang namin maitapon ang napakaraming basura. Immediate solution lang po ito, so hindi po magtatagal," paliwanag niya.
Itinigil ng lokal na pamahalaan ang pagtatapon ng basura sa lugar noong 2025 matapos magreklamo ang komunidad ng mga Aeta. Gayunman, nanatili pa rin ang mga naipong basura sa lugar.
Matapos maipalabas ang dokumentaryo, nakipagpulong ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga miyembro ng apektadong komunidad ng mga Aeta.
Sinabi ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR sa Gitnang Luzon na nakikipag-ugnayan na ito sa pamahalaang panlalawigan upang mailipat ang natitirang basura sa isang awtorisadong sanitary landfill.
Ayon sa ahensya, bahagi ang paglilipat ng basura sa inaprubahang plano para sa ligtas na pagsasara at rehabilitasyon ng naturang tapunan.
Dagdag pa ng EMB, patuloy nitong iniinspeksiyon ang lugar at nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matiyak na maaalis ang lahat ng basura at maipatutupad nang maayos ang plano sa rehabilitasyon. – FRJ GMA News
