Sa darating na balik-eskwela, ilang guro ang posibleng gumamit ng berdeng ballpen sa halip na karaniwang pula dahil na rin sa paniwala na nag-iiwan ng hindi magandang alaala sa mga mag-aaral ang "namumulang" test paper.
Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "Saksi" nitong Lunes ng gabi, sinabing ilang nakapagtapos na mag-aaral ang hindi pa rin makalilimot sa namumulang test paper na ibinabalik sa kanila noon ng mga guro.
Paliwanag ni Charles Ramos, "Siyempre ipapakita mo sa magulang mo, 'bakit ang daming red?' So may idea sila na 'pag red, mali."
Dahil umaabot umano hanggang sa pagtanda ang epekto sa mga bata ng pulang tinta, iminungkahi ng isang school principal na green ballpen na lang ang gamitin sa halip na pula.
"It's the color of hope [green]. For those naman na gumamit niyan, ang sabi nila, mas naging masaya ang mga bata kasi nga yung positive connotation. Sinasabi rin nila na kaya pa to make their work better," paliwanag ng principal na si Francis Kenneth Hernandez.
Ayon naman sa isang neuropsychologist, pangkuha ng atensiyon ang kulay pula at hindi naman daw laging negatibo ang epekto nito.
"Sa mga initial study, they have discovered that if the comments are positive, maski nasa red color, students will take it positively," pahayag ni Dr. Danilo Tuazon, neuropsychologist.
Para naman sa political science professor na si Patricia liganor, naging positibo ang dating sa mga dati niyang estudyante ang paggamit niya ng green ballpen.
"Kapag green, mas friendly tingnan, mas malamig sa mata. Hindi siya ganon ka-overpowering, anang propesor.
Dagdag ng political science professor din na si Dennis Quilala, "Tingin ko mas maganda 'yon para din nababalanse niya ung pagiging istrikto ko bilang isang guro.
Pero ang math teacher na si Christian Manuel, naniniwala na wala sa kulay ng ballpen ang usapin sa sinasabing hindi magandang alaalang nagmamarka sa mga mag-aaral. -- FRJ, GMA News
