Para punan ang espasyo sa kaniyang pagkatao, umuwi ng Pilipinas ang 52-anyos na Filipino-American na si Recardo Martinez-Evans sa pag-asang makita at makapiling sa unang pagkakataon ang kaniyang inang hindi nasilayan sapul sa kaniyang pagkabata.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing nabuhayan ng loob si Recardo na makikita pa ang kaniyang ina dahil sa matagumpay na paghahanap ng Pinoy-Australian filmmaker na si Jojo de Carteret, sa nawalay na ina pagkaraan ng 30 taon.

WATCH:  Matuldukan na kaya ang pangungulila ni Jojo na naghahanap sa kaniyang ina?

Si Recardo, apat na buwan pa lang umano nang dalhin sa Amerika ng kaniyang Amerikanong ama na Air Force officer na si Richard Lee Evans noong 1964. 

Pero ang kaniyang inang si Alicia Maria Martinez, naiwan naman sa Pilipinas.

Gayunman, nagpadala umano ng pera ang kaniyang ama sa kaniyang ina para sumunod sa kanila  sa Amerika. Pero nagastos umano ni Alicia ang pera sa pagpapagamot ng amang may sakit.

Mula noon, nagdamdam umano ang kaniyang ama, hindi na nag-asawa at hindi na nagkuwento tungkol sa kaniyang ina hanggang sa binawian na ito ng buhay.

Lumaki si Recardo sa pangangalaga ng kaniyang lola (ina ni Richard) na binawian na rin ng buhay.

Dama daw ni  Recardo sa kaniyang paglaki ang pangungulila sa pagmamahal ng ina. Hindi niya itinanggi na may pagkakataon na nakararamdam siya ng hinanakit sa hindi nasilayang ina.

At nang magretiro sa serbisyo bilang militar, lalong sumidhi ang pagnanais ni Recardo na hanapin ang ina sa Pilipinas habang may panahon pa.

Sa pamamagitan ng nakitang larawan at sulat na matagal na itinago ng ama, nalaman niya na taga-Sagay, Negros Occidental ang kaniyang ina kaya nagkaroon siya ng ideya kung papaano sisimula ang paghahanap.

Tulad ni Jojo, magtagumpay kaya si Recardo sa kaniyang misyon sa buhay na makita ang makapiling ang kaniyang ina? Panoorin ang ginawang pagtutok ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."


 

Click here for more GMA Public Affairs videos:


-- FRJ, GMA News