Lahat ng tao ay mayroon umanong 'third eye,' o ang ikatlong mata na kayang makita ang mga hindi pangkaraniwang nilalang sa paligid. Gayunman, ipinayo ng isang paranormal expert na mas makabubuti na hayaan itong kusang magbukas sa halip na pilitin. Alamin sa programang "Brigada" kung bakit.

Sinasabing ang 'third eye' ang pangatlong mata ng tao na nakakakita ng mga hindi pangkaraniwan, tulad ng mga elemento at espiritu. Bukod pa rito, nagagawa rin daw nitong basahin ang mga emosyon ng isang tao.

Ang estudyanteng si Venus Maguilang, limang-taong-gulang pa lamang daw nang bumukas ang kaniyang third eye. Dahil dito, nagkaroon siya ng kakayahang makakita ng mga kaluluwa at mga elemento.

Paniwala niya, namana niya sa kaniyang pamilya ang naturang kakaibang abilidad. At habang lumalaki umano siya, unti-unti na rin siyang nilalapitan at kinakausap ng mga kaluluwang gala.

Kung hindi niya pinapansin ang pangungulit ng mga kaluluwa, nanggugulat umano ang mga ito paminsan-minsan.

Ilan daw sa mga nakikita ni Venus ay una niyang napagkakamalang tao lang. Pero kapag lumapit na sa kaniya, dito na niya makikita ang mga sugat sa katawan na likha ng karahasan tulad ng mga saksak at tama ng baril.

Ayon sa paranormal expert na si Ana dela Cruz, lahat daw ng tao ay may third eye pero nananatiling nakasara kaya hindi nakikita ang mga kakaibang nilalanang na gumagala sa paligid.

Aniya, mas mabuting hayaan na kusang magbukas ang ikatlong mata kaysa sapilitan itong buksan dahil baka hindi rin nila kayanin ang kanilang makikita, o mga kaluluwa o elemento na lalapit sa kanila.

"Ang akin po kasi, open na open siya kaya po kita ko lahat; kung ano 'yung nangyari, kung sino 'yung katabi niya, kung ano 'yung sakit niya, kung ano 'yung ugali niya. 'Yung hindi naman po open, nakakaramdam lang po siya, nakikilabutan siya, tapos feel niya parang ang bigat," paliwanag ni dela Cruz.

Sabi ni Venus, minsan na rin siyang sinapian ng kapre at tikbalang na nagkagusto sa kaniya. Inisip na rin daw noon ni Venus na sumama na lang sa mga elemento dahil nakikita niyang nahihirapan na ang kaniyang pamilya.

Habang isinasagawa ni GMA News reporter Nelson Canlas ang panayam kay Venus, nasaksihan niya ang kakayahan nito tungkol sa isang bata na nagparamdam sa kanila habang nasa isang gusali. Panoorin:

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News