Naranasan mo na ba na araw-araw mong kausap o ka-text ang "crush" mo at lumalabas-labas pa kayo kung minsan; na sa pagiging close niyo sa isa't-isa, ikaw pa ang naging "shoulder to cry on" niya? Buong akala mo ay kayo na pero sa huli, malalaman mong kaibigan lang pala ang turing niya sa iyo. Ang sakit 'di ba? Ito ang tinatawag na "friendzone."
Sa episode ng GMA Online Exclusive na "Adulting with Atom Araullo," sinabing may mga "sub-zone" na tinatawag sa friendzone.
1. Seenzone - Nag-text o nag-message ka kay crush pero hindi siya nag-reply, kahit alam mong natanggap niya ang iyong mensahe.
2. LOL o Haha zone - Nagpadala ka ng mensahe sa iyong crush pero "Haha" o "LOL" "K" lang ang kaniyang sagot, at tila gusto nang putulin ang inyong usapan.
3. Kuya-zone, Ate-zone, Tito-zone o Tita-zone - Kung pakiramdam mo na nagkakamabutihan na kayo ni crush, ngunit "Kuya" o "Ate" o "Tito" o "Tita" lang ang tawag o turing sa iyo.
4. Charger zone - Kinakausap ka ni crush kapag may kailangan lang o gusto lang ng kausap.
5. Ghosting - Nakikipag-usap sa iyo ang isang kaibigan at sweet pa kung minsan pero isang araw, bigla na lang hindi na magpaparamdam hanggang sa tuluyang mawala sa ere.
Narito ang ilang tips kung paano makaka-move on sa sakit na dala ng "friendzone."
1. Magpaka-busy— Maging abala sa pag-aaral o career, o mag-enjoy sa iyong kinahihiligan.
2. Magpaganda o magpapogi— Mag-"improve" pa bilang pagmamahal sa sarili. Love yourself.
3. Iwasan nang mang-"stalk"— Huwag nang tingnan ang mga social media account ng iyong crush para malaman ang nangyayari sa kaniyang buhay.
4. Makipag-usap sa pamilya o sa mga kaibigan— Nakakatulong ang pakikipag-usap sa mga mahal sa buhay. Huwag solohin ang iyong problema o bigat sa puso na nararamdaman.
Payo pa ni Atom, hindi tama para sa ibang lalaki na obligahin na sagutin sila at maging sila ng nililigawan porke't inililibre nila ito ng dinner o inihahatid sa bahay.
"Huwag na lang tayong mag-assume para hindi tayo masaktan," payo ni Kristine, isang dating na-friendzone na rin.
"Ako ang masasabi ko lang para walang gulatan, huwag ka nang mahiyang magtanong. Kung kunyari ilang buwan na rin kayong nagkikita o nag-uusap, may karapatan ka din sigurong magtanong," pahayag ni Atom.-- FRJ, GMA News
