Pagdating sa imbensyon, hindi magpapahuli ang mga Pinoy. Ang ilan sa kanila, mga kagamitan na makatutulong para tipid-konsumo sa kuryente ang naisip. Panoorin ang video na ito ng "iJuander."

Sa programang "iJuander," itinampok ang vaporizer machine na imbensyon ni Glen Castillo na bukod sa nakakatipid sa kuryente, nagbibigay pa ng instant tubig.

Ang makinaryang ginamit sa vaporizer machine ay tulad sa isang air conditioner na nakakagawa rin ng hangin at nagiging tubig na "alkaline."

Sinasabing mas maganda sa katawan ang alkaline na pangontra daw sa mga sakit.

Mababa rin ang kuryenteng kinokonsumo ng imbensyon na nasa 300 hanggang 400 watts lamang, kumpara sa ibang appliances na 1,000 watts ang kinokonsumo. Kaya tamang-tama ito sa mga lugar na nagpapatakbo ng solar energy.

Isa pang imbensyon ni Castillo na nakakatipid ng kuryente ang stationary bike. Bukod sa epektibo para sa mga gustong pumayat, makakapag-charge din ito ng 12 volts o 24 volts na baterya at may kapasidad na 500 amperes.

Dahil malakas kumonsumo ng kuryente ang plantsa na may 1,000 watts, naisipan naman ni Rodolfo Biescas na imbentuhin ang "IronMate" noong 1988.

Sa tulong ng IronMate, mababawasan ang konsumo ng kuryente sa pagpaplantsa ng 53%. Ligtas din itong gamitin dahil hindi ito pagmumulan ng sunog.

Makalipas ang tatlong taon, nabigyan ito ng patent certificate ng Department of Science and Technology. At noong 2001, ginawaran ito ng intellectual property sa pangalan ni Biescas.

Inimbento rin ni Biescas ang multi-cooler fan noong 1982, na gumagana pa rin sa ngayon.

Isinabatas ang Republic Act 7459 o Inventors and Invention Incentives Act of the Philippines noong 1992 bilang pagpapahalaga sa mga Pinoy na nakagawa ng mga kahanga-hangang imbensyon.

Ngunit hindi lahat ay nabibigyan ng tulong pinansyal, tulad ni Jess ng Caloocan City, na nakaimbento ng multi-purpose cooking stove na "fully pyro."
Puwede itong paglitsunan at pag-ihawan ng barbecue, nakakatipid pa sa fuel at hindi mausok.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--Jamil Santos/FRJ, GMA News