Sinabing dalawa ang klase ng sakit na diabetes, isang auto-immune (Type 1) na sumisira ng cells, at isang nakukuha dahil sa lifestyle. Ngayon, dumarami raw ang nagkakaroon ng naturang sakit kahit sa murang edad. Anu-ano nga ba ang facts and myths na dapat alalahanin tungkol sa diabetes.
Sa programang "Mars," ipinaliwanag ni Dr. Rey Salinel na kung may lahi ng diabetes sa pamilya ang isang tao, posible itong ma-trigger dahil sa kaniyang lifestyle.
Kung kaya naman mahalaga raw na "sinusunog " ang kinakain sa pamamagitan ng exercise.
"Dapat kasi 'yung binabangko mo, dinideposito mo [na pagkain sa katawan], it will cause withdrawal. Otherwise kasi kung ipon ka nang ipon, kain ka nang kain, pero hindi ka nagwi-withdraw, hindi ka nag-e-exercise, lalaki. And 'yung obesity po ang pinakamalakas na peligro para magkaroon tayo ng type 2 diabetes," sabi ni Dr. Salinel.
Paliwanag pa ng doktor, sa Type 1 diabetes, sinisira ng cell ang sarili nito, kaya walang napo-produce na insulin. Dito na mangangailangan ng pasyente ng insulin "for life."
Samantalang ang Type 2 naman ay nakukuha ng mga 40-anyos pataas at mga obese na tao.
Sinabi ni Dr. Salinel na dumadami na raw ang mga bata pa na nagkakaroon na ng Type 2 Diabetes dahil na rin sa lifestyle.
"Galaw-galaw din 'pag may time. Kailangan talaga mag-exercise," anang doktor.Ang Type 2 diabetes ay puwede pang daanin sa tamang pagkain at exercise.
Nilinaw ng doktor na kailangan ng sugar sa buhay dahil ito ang main source ng glucose o energy ng tao. Ngunit kailangan itong kontrolin at moderation.
Hindi naman daw bawal kumain ng puting kanin pero huwag lamang sosobra.
Hindi rin porke kumakain ng ibang klase ng kanin tulad ng red rice, brown rice, black rice, ay makakaiwas na sa diabetes.
"It just so happened na 'yung puting kanin is the processed. 'Yung brown, red, andun pa ang vitamins at minerals, fibers, pero actually rice pa rin yon 'pag kinain mo. Tatakalin mo pa rin yon," saad ng doktor.
Inihayag pa niya na mga haka-haka tungkol sa pagkain ng mga prutas.
"Hindi komo maasim ang Indian Mango, ay walang asukal. Hindi komo hilaw ang mangga ay walang asukal... Actually sugar pa rin 'yon," paliwanag niya.
Ang mahalaga pa rin umano ay kontrolado ang pagkain ng mga prutas.
Panoorin ang buong talakayan sa isyu ng diabetes sa video na ito ng "Mars."
-- FRJ, GMA News
