Dahil sa lamig ng panahon, madali rin para sa ating mga balat at buhok na matuyo. Ngunit hindi na kailangang pumunta sa isang mamahaling salon para mapanumbalik ang sigla ng kutis at buhok dahil ang solusyon, matatagpuan lamang sa kusina.

Sa programang "Good News," ipinakita ng Clinical and Aesthetic Dermatologist na si Dr. Venus Dasalla Cu ang ilan sa mga home remedies gamit ang cucumber at honey, saging at itlog.

1. Kung natutuyo ang kutis, paghaluin ang isang kutsara ng brown sugar, cucumber, niyog at isang kutsara ng honey. Ipahid ito sa balat saka banlawan.

Ayon kay Dr. Cu, ang asukal ang mag-e-exfoliate, samantalang anti-inflammatory at pinanunumbalik naman ng cucumber ang moisture ng balat.

2. Pagdating naman sa pagkain, epektibo ang kamatis at kamote o sweet potato, na mga anti-oxidants para sa dry skin.

3. Kung natutuyo naman ang buhok, maglagay ng hinog na saging sa mangkok at durugin. Matapos nito, basain ang buhok saka dahan-dahang ipahid ang dinurog na saging sa dulo ng buhok. Ibabad ng 30 hanggang 45 minuto saka banlawan.

Good for the hair aniya ang hinog na saging dahil puno ito ng anti-oxidants at vitamins.

4. Maaari ring gamitin ang itlog para sa dry hair dahil sa protein content nito. Paghaluin lamang ang egg yolk at isang kutsarang shampoo at gamitin. Banlawan din agad.

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--FRJ, GMA News