Ang Kaharian ng Langit ay higit pang mahalaga kaysa sa ginto. (Mt. 13:44-46)
Darating ang araw, kapag tayo ay humarap na sa Panginoon sa Kaniyang kaharian, hindi tayo tatanungin ng Diyos kung gaano tayo kayaman sa ibabaw ng lupa.
Hindi Niya tayo tatanungin ng tungkol sa mga materyal na bagay na naipundar natin. Sa halip, tungkol sa mga mabubuting bagay na ating nagawa sa lupa ang Kaniyang aalamin.
Pero may ilang tao na ginagawang diyos ang salapi kaya ganoon na lamang silang magkumahog para makamit ito. Bagama’t kailangan ang pera para tayo ay mabuhay at matustusan ang ating mga pangangailangan tulad sa pagkain, damit, gamot at iba pa, nakalulungkot na ang ilan ay nagpapasilaw sa salapi.
Kinakasangkapan ang iba ang pera para sa masama at ilegal na gawain; pangtustos sa kanilang bisyo gaya ng droga, pagsusugal at pambabae, at iba pang hindi kaaya-ayang gawain.
Dahil nagpapaalipin sa salapi, may mga taong handang gumawa ng iba’t-ibang uri ng kabuktutan para lamang magkaroon ng salapi. Mistulang ibinenta na niya ang kaniyang sarili at pagkatao sa demonyo alang-alang sa salapi.
Sa Magandang Balita (Mt. 13:44-46), ating mababasa na inihalintulad ang “Kaharian ng Langit” sa kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang ito ay mahukay ng isang tao ay agad niyang ipinagbili ang lahat ng kaniyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.
Ipinapakita ng Ebanghelyo na para sa isang taong mayroong malalim na pananampalataya sa Panginoon. Mas pinahahalagahan niya ang kaharian ng langit tulad ng pagsuko at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Para sa kaniya, ang mga materyal na bagay tulad ng salapi at iba pang materiyal ari-arian na ibinibigay ng mundong ito ay lumilipas at nangungupas.
Samantalang ang kayamanang maka-langit ay hindi kailanman mauubos at kukupas; bagkos ay ito pa ang ating magiging tiket patungo sa kaharian ng Diyos.
Ipinapaalaala sa atin ng Ebanghelyo na hindi tayo dapat mataranta at mag-alala tungkol sa ating mga pangangailangan. Sapagkat alam ng Panginoon kung ano ang mga kailangan natin. Ito ay Kaniyang ipagkakaloob basta’t manampalataya lamang tayo sa Kaniya.
Pagpalain na wala tayo sa araw-araw nating pamumuhay.
Amen
--FRJ, GMA News

