Sa isinagawang pag-aaral ng isang U.S. website, lumalabas na 4.3 inches ang average penis size ng mga Pinoy, na maliit kumpara sa global average penis size ng mga kalalakihan. Pero nasusukat nga ba ang pagkalalaki sa laki o haba ng kaniyang ari?

Sa ulat ni Bam Alegre sa "Brigada," inilahad ni "Anton," hindi niya tunay na pangalan, na pakiramdam niya na hindi sapat ang pagkakaroon niya ng maliit na ari para matawag siyang "tunay na lalaki."

Dagdag ni Anton, nagpaparinig din sa kaniya ang kaniyang partner tungkol dito, na nakaaapekto sa kaniyang pakikipagtalik.

"Paminsan nagpaparinig siya na parang gusto niya malaki. Tapos may mga outing kayo, mas tinitingnan niya 'yung sa kabila kasi mas malaki kaysa sa akin. Mga kasama mo like mga kaibigan ko sa gym, malalaki sa kanila. Parang awkward pala," sabi ni Anton.

"Nahihiya, yes, nahihiya ka talaga lalo tapos maliit lang, sasabihin niya 'Parang ang liit-liit niyan.' Parang gusto mo pero nahihiya ka kaya huwag na lang," dagdag ni Anton.

Si Alvin naman, hindi niya tunay na pangalan, may saktong laki lang ng ari pero nahihiya siya sa sukat nito at lumiit ang tiwala sa kaniyang sarili, lalo sa pakikisalamuha sa ibang tao.

"Actually normal naman po 'yung [ari] ko pero feel ko may kulang, parang hindi kumpleto eh," sabi ni Alvin.

Ngunit kung tatanungin ang netizens, lumabas sa isang poll na ang pagiging responsable ang isa sa pinakamahalagang katangian ng pagiging lalaki.

Ayon kay Dr. Rica Cruz, Psychologist and Sex and Relationship Therapist,  hindi katawa-tawa at hindi dapat balewalain ang small penis syndrome dahil makakapekto ito sa pagtingin nila sa kanilang sarili at sa kanilang partner.

Tunghayan sa "Brigada" ang proseso ng augmentation phalloplasty o penile enlargement para lumaki ang ari ng isang lalaki.

Alamin din ang mga maling paniniwala ng iba na naglalagay ng mga kung ano-ano sa kanilang ari tulad ng bolitas at petroleum jelly na may masamang epekto sa katawan. Panoorin ang video sa itaas.

--FRJ, GMA News