Inaasahang makatutulong nang malaki sa bakunahan sa bansa ang pagdating ng mahigit 560,000 doses ng bakuna ng Pfizer-BioNTech, na gumagamit ng messenger ribonucleic acid o mRNA technology. Ano nga ba ang mRNA technology at paano ito gumagana para labanan ang COVID-19?

Sa GMA News "Unang Balita" Explainer ni Darlene Cay, sinabing iba ang mRNA technology kumpara sa tradisyunal na bakuna, na naglalaman ng inactivated bacteria o virus.

Sa halip, ang mRNA technology ay naglalaman ng genetic sequence ng COVID-19 virus o SARS-COV2.

Kapag naipasok na ng Pfizer-BioNTech vaccine ang mRNA sa katawan, tinuturuan nito ang cells ng tao na bumuo ng antigens o mga katangian ng virus, partikular na ang spike protein nito.

Kapag na-detect na ng immune system ang antigens, bubuo na ito ng anti-bodies para labanan ang antigens.

Kaya hindi na-e-expose ang katawan sa totoong virus sa pamamagitan ng mRNA.

Bukod dito, nakatutulong din ang mRNA sa pagbuo ng immune cells na siyang dagdag depensa para sa katawan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News