Hindi tayo matututong magmahal sa ating kaaway kung lagi nating inuungkat ang kanilang mga kasalanan (Lucas 6:27-31).

KAPAG palagi nating inaalala at binabalikan ang mga atraso sa atin ng ating kapuwa, hindi na talaga tayo makakapag-move on. Sapagkat lagi na lamang natin inuungkat ang mga nagawa niyang kasalanan kahit ilang taon na ang lumipas.

Kaya naman patuloy tayong pinapaalalahanan ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Lucas 6:27-31), na mahalin natin ang ating mga kaaway at gawan natin ng kabutihan ang mga taong napopoot sa atin.

Ngunit minsan ay taliwas sa mensahe ng Pagbasa ang ginagawa ng ilan sa atin. Sapagkat hindi tayo makausad mula sa nakalipas. Hilig natin na balikan at ungkatin ang mga kasalanan ng ating kapuwa, na para bang walang kapatawaran ang kaniyang nagawa.

Dahil diyan, parang tayo na rin ang gumagawa na ikasasakit ng ating kalooban. Parang tayo na rin ang sumusugat sa ating mga damdamin sa halip na ito ay paghilumin. Ang nangyayari, parang nilalagyan natin ng asin o pinapatakan ng kalamansi ang sugat sa ating mga puso kaya lalo itong humahapdi.

Huwag nating hayaang mabaon tayo sa nakaraan. Dahil sinasabi rin ng Panginoon sa atin na, "Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila". (Lk. 6:35)

Mahirap ang magpatawad, subalit ang totoong tagasunod ni HesuKristo ay kailangang matutunan ang pagpaparaya.

Kaya sinasabi sa Ebanghelyo na, "Kapag tayo ay sinampal sa isang pisngi ay iharap din natin ang kabila". (Lk. 6:29)

Ngunit hindi naman literal na kailangang ipasampal natin sa kagalit ang kabilang pisngi natin. Ang ibig lamang sabihin nito, sa halip na tayo ay gumanti, kailangang habaan natin ang ating pasensiya at magparaya na lamang sa maliit na kasalanan nila sa atin.

Ang nakaraan ay nakaraan na at wala na tayong magagawa pa para baguhin ang nangyari sa nakalipas. Tapos na iyon, ang kailangan nating gawin ay magpatuloy sa ating buhay patungo sa hinaharap.

Huwag hayaang pumasok sa ating isipan ang katagang "ganti," kung ang layon nito ay makasakit din sa ating nakaaway. Sapagkat ang "ganti" na may poot ay sulsol ng demonyo.

Mayroong "ganti" ng pagmamahal tulad ng pagbabalik ng utang na loob sa taong nakatulong sa atin. Pero ang paghihiganti para makapatas sa nagawa ng kaaway, dapat iwaksi 'yan sa ating puso't isipan.

Dahil kapag hindi natin inalis sa puso't isipan ang ganti na may poot, hindi na tayo makapag-move on at mananatili na lamang tayong bilanggo ng nakaraan. Hindi tayo matututong magpatawad na siyang nais na ituro sa atin ng Panginoon.

Winika ni Hesus, "Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo". (Lk. 6:28)

Manalangin Tayo:  Panginoon naming Diyos, tulungan Mo kaming mapatawad ang aming mga kaaway. Haplosin po Ninyo ang aming puso upang mawala ang aming galit at sama ng loob sa aming kaaway. Sa halip na galit, palitan po Ninyo ito ng pagiging maunawain. AMEN

--FRJ, GMA News