Bago tayo magdesisyon, unahin muna natin ang pananalangin sa Diyos upang tayo'y gabayan. (Lucas 6:12-19)
NATATANDAAN ko nuong araw na kahit minsan ay hindi ko nakitang nataranta at naligalig ang aking mahal na ina sa tuwing magkakaroon ng problema sa aming pamilya.
Nakikita ko lamang ang aking ina na tahimik na nagdarasal at ipinauubaya niyang lahat sa Panginoong Diyos ang mga problemang kinakaharap ng aming pamilya. At hindi naman siya binibigo ng Diyos.
Sa halip na magpadala ang aking ina sa takot o emosyon, naniniwala siya na kung idadaan niya sa panalangin ang isang problema, mas magiging malinaw ang kaniyang pag-iisip.
Ganito ang ehemplong ipinakita ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Lucas 6:12-19) tungkol sa kahalagahan ng pananalangin.
Ang ating pananalangin sa Diyos ay isang pamamaraan para gabayan tayo ng Panginoon bago tayo gumawa ng anomang desisyon sa buhay. At isa rin itong pamamaraan upang huwag tayong mabulag ng ating emosyon at sa halip ay tulungan tayo ng Diyos na maliwanagan ang ating isipan.
Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na umakyat si Hesus sa isang bundok at Siya'y magdamag na nanalangin sa Diyos. (Lk. 6:12)
Ipinapakita sa Pagbasa na bago nagdesisyon ang ating Panginoong Hesus ay hiningi muna Niya ang tulong ng Diyos Ama.
Sapagkat kinaumagahan pagkatapos Niyang manalangin, tinawag Niya ang Kaniyang mga Alagad, at mula sa kanila ay pumili si Kristo ng labindalawa na tinawag niyang mga Apostol. (Lk. 6:13)
Ang mga Apostol na pinili ni Hesus ang magpapatuloy ng Kaniyang misyon sa pamamagitan ng pangangaral sa Salita ng Diyos, pagpapagaling ng mga maysakit at pagpapalayas ng masamang espiritu sa mga taong inaalipin nito.
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na bago tayo gumawa ng anomang bagay, bago tayo magdesisyon sa ating buhay, at bago tayo kumilos o gumawa ng hakbang, makabubuting mag-umpisa tayo sa pag-aalay ng panalangin sa Diyos. Sa pamamagitan ng dasal ay matutulungan at papatnubayan tayo ng ating Panginoong Diyos, katulad ng halimbawang ipinakita ni HesuKristo.
May mga pagkakataon kasi na kapag inuna natin ang takot at emosyon sa paggawa ng mahalagang desisisyon, nagbubunga pa ito ng mas malaking problema.
Ngunit kung uunahin natin ang pananalangin at paghingi ng gabay sa Diyos, magkakaroon tayo ng kaliwanagan ng ating isip at gagabayan tayo ng Panginoong Diyos para magkaroon ng tamang kapasyahan.
Pakatandaan natin na hindi nagkakamali ang Panginoon at hindi Niya nanaisin na tayo ay mapahamak.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos, tulungan Mo po kami na makagawa ng tamang desisyon sa aming buhay. Dahil batid namin na hindi Mo po kami pababayaan. AMEN.
--FRJ, GMA News

