Mistulang makukulay na kendi ang naimbentong shampoo "buttons" ng isang mag-asawa na pamalit sa shampoo "sachets" na nag-iiwan ng basura.
Sa video ng "Next Now," sinabing ang naturang shampoo buttons ay gawa ng mag-asawang Marvin at Ronna Incognito. Bahagi ito ng kanilang negosyo na eco-friendly bath products na ShowerHut.
"Yung kending hubad before, ayun ang idea namin. Parang darating yung time na mabibili mo na siya ng tingi sa tindahan," sabi ni Marvin tungkol sa shampoo buttons.
Eco, travel, at budget-friendly ang produkto dahil maliit lang at puwedeng dalhin kahit saan. Wala ka ring iiwan na basura hindi gaya sa mga shampoo na nakalagay sa sachet.
Nabuo ng mag-asawa ang konsepto ng kanilang negosyong eco-friendly bath products sa pinagsamang research at marketing skills ni Marvin at chemistry background ni Ronna.
Una silang nakagawa ng bar version ng shampoo, conditioner, feminine wash, lotion at iba pang body-care products.
Ang lahat ng ito ay nagsimula lang sa loob ng kanilang kusina.
"Each shampoo bar that we use is actually equivalent to plastic sachets. So we have different sizes po ng shampoo bars for everyone na gusto muna i-try," ayon kay Ronna.
At kamakailan lang, inilunsad na rin nila ang shampoo buttons na tiny version ng shampoo bar.
Ang shampoo buttons ang sagot ng mag-asawa sa tingi o sachet culture ng mga Pinoy.
Nagkakahalaga lang ng P15 ang isa ng shampoo buttons at puwedeng magamit ng tatlo hanggang anim na beses.
Mayroon din silang limang variants nito para sa iba't ibang kondisyon ng buhok. Gaya ng chemically-treated na buhok, panlaban sa dandruff, o para sa oily scalp.
Compostable packaging din ang gamit nila para mas lalo pang makaiwas sa plastics.
"Gusto namin i-encourage ‘yung mga tao na regardless of how small your act is, malaking bagay siya, makakatulong siya for the environment," ani Marvin.
--FRJ, GMA News
