Kapag nanalo ng milyon-milyong pisong jackpot ang isang tao sa lotto, puwede ba niyang hindi hatian ang kaniyang asawa, o puwede bang humingi ng parte ang asawa kahit hiwalay na sila?

Sa segment na "Kapuso Sa Batas," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na malinaw ang nakasaad sa Family Code tungkol sa pagsasama ng mga ari-arian ng legal na mag-asawa kahit na ano pa mang "property regime" ito.

Kaya kapag nanalo ng jackpot ang isang tao sa lotto, magiging panalo rin ang kaniyang legal na asawa.

Gayunman, nakasaad din umano sa batas na kung natalo sa sugal o taya sa sweepstake gaya ng lotto ang isang tao, ang lahat ng kaniyang pagkatalo ay para sa tumaya lang at hindi damay ang kaniyang asawa.

Ayon pa kay Atty. Gaby, kung hiwalay na mag-asawa o hindi na nagsasama sa iisang bubong pero hindi pa sila "legally separated" o hindi pa kinilala ng korte ang kanilang paghihiwalay, may karapatan pa rin ang "asawa" sa napanalunan sa lotto ng isang tao.

"As far as the law is concern, wala silang pakialam kung living apart or together [ang mag-asawa]. Basta kasal pa kayo legally," patuloy niya.

Ngunit kung legally separated na at may judicial separation of property, at sinabing korte na sa araw ng kaniyang desisyon na hiwalay na kayo, pati ang ari-arian ninyo, wala na ring habol sa napalo sa lotto ang kaniyang "dating asawa".

Pero papaano naman kung may napangakuan kayo noon na babalatuhan kapag nanalo sa lotto ngunit hindi mo binigyan nang manalo ka na, maaari ka ba niyang habulin sa pangako mo? Alamin ang paliwanag dito ni Atty. Gabi. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News