Breast Cancer Awareness Month ngayong Okubre. Alamin ang ilan sa mga maling paniniwala tungkol sa sakit na ito na pangunahing dahilan ng pagkasawi ng mga babae.

Sa programang "Unang Hirit," sinabi ni Dr. Norman San Agustin, President and CEO, Asian Breast Center, na kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na may pinakamaraming namamatay dahil sa breast cancer.

Kabilang sa mga maling paniniwala ay hindi magkakaroon ng breast cancer ang mga babae na walang history ng naturang sakit sa pamilya.

"At 20 percent of women with breast cancer have family history. In other words sa 10, dalawa lang ang may family history. Hindi niyo nare-realized kayo pa yung unang magka-cancer sa pamilya," sabi ni Agustin.

Mali rin ang paniniwala na isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng breast cancer ang paggamit ng deodorant at bra na may underwire.

Hindi rin umano totoo na mga babaeng 30-anyos lang pataas ang maaaring maging peligroso sa breast cancer.

Ayon kay Agustin, sa sandaling lumabas na ang "bud" o dibdib ng babae kahit pa pre-teenager, may peligro na siyang tamaan ng breast cancer.

Gayunman, napakaliit  lang daw ang tiyansa na magkaroon ng breast cancer ang mga kabataan.

May mga makabago na ring medisina at teknolohiya para maagang makita ang breast cancer at maaaring magamot upang mailigtas ang pasyente.

Kabilang dito ang no pain digital mamogram at molecular breast imaging.

Dapat din tandaan ang tamang paraan sa pagkapa sa dibdib upang maagapan kaagad ang sakit sa sandaling may maramdamang bukol. --FRJ, GMA News