Ano nga ang maaaring ikaso sa mga taong hindi nagbabayad ng kanilang utang, na nakapagdulot pa ng stress at sakit sa kanilang mga inutangan? Alamin ang sagot.

Sa "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang babae ang kaniyang problema sa kaniyang kapatid na hindi umano nagbabayad ng utang sa kaniya. Ang masaklap, tila pinagtatawanan pa raw siya kahit nalagay na sa alanganin ang kaniyang buhay.

"Ang naani ko sir, depression at saka muntik na akong mamatay sa mga sakit ko ngayon sir," sabi ni Andrea. "Kasi ngayon sir I suffered from depression, [which] lead to insomnia noong hindi na ako makatulog sa gabi. 'Yung heart ko lumaki 'yung right [part]. Para bang sa mga problema, sa stress, nag-iisip ka," sumbong ng babae.

Paliwanag ni Atty. Francis Abril, maaaring isama ng ginang sa recovery of money ang nangyari sa kaniyang kalusugan sa pagkuha ng danyos at posibleng bayaran ng kaniyang kapatid.

"'Yung danyos perwisyos na dahil sa sama ng loob, baka 'yan ang nagdulot ng mga sakit niyo sa puso at humina ang resistensiya ninyo kaya dumami 'yung sakit po ninyo. Puwede po nating iugnay 'yan sa stress na idinulot ng hindi pagbabayad ng kapatid ninyo," sabi ni Atty. Abril.

Dagdag pa ni Atty. Abril, maaari ding ikaso sa kaniyang kapatid ang unjust vexation.

"Kung dahil sa pag-iwas sa inyo ng kapatid niyo, parang inaasar na lang kayo dahil iniiwasan kayo, tinataguan at hindi kayo nirerespeto bilang nakatatandang ate, baka puwede niyo pong i-consider 'yon," payo ng abogado.
Panoorin sa video ang buong talakayan.--FRJ, GMA News