Dahil sa isang rare condition, biglaan umano ang naging paglaki ng dibdib ng isang babae sa Australia. Ang bigat ng kaniyang dibdib, abot na raw sa higit 12 kilo. Alamin kung ano ang "gigantomastia" na itinuturong dahilan ng mabilis na paglaki ng breast tissue ng babae.
Sa video ng GMA News Feed, kinilala ang babae na si Pamelia J. Kuwento niya, una siyang nakaramdam ng pananakit sa kaniyang likod, leeg at balikat.
Napapansin din niya na hindi na kasya sa kaniya ang kaniyang mga bra.
Nang magpatingin siya sa doktor at sumailalim sa ilang pagsusuri, na-diagnose na mayroon siyang "gigantomastia."
Ayon sa mga doktor, posibleng bunga ito ng pagbabago sa hormones, side effect ng mga gamot, o sintomas ng autoimmune diseases.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy ng mga doktor ang dahilan ng gigantomastia ni Pamelia.
Pero mayroon siyang polycystic ovarian syndrome o PCOS, na posibleng nagdudulot ng hormonal imbalance sa kaniyang katawan.
Batay sa isa niyang video, mahigit 12 kilos na ang bigat ng kaniyang dibdib.
“I feel very self-conscious when going out in public. If I wear something that is tight on my chest, I notice women giving me looks. I’m getting dirty looks for having such large breasts so I tend to stay at home,” saad ni Pamelia.
Plano niyang sumailalim sa breast reduction surgery pero walang katiyakan kung hindi na muling lalaki ang kaniyang dibdib.
Dahil gusto pa niyang magkaanak ulit, sinabihan din daw siya ng kaniyang doktor na magbuntis muna bago siya sumailalim sa operasyon.
Sa ngayon, ginagamit ni Pamelia ang online platforms para magpakalat ng impormasyon tungkol sa kaniyang kondisyon at ipaalala sa mga tao na maghinay-hinay muna bago magbitaw ng negatibo at masakit na komento.
“I feel that it has opened people’s eyes to what gigantomastia is. It is a very rare condition, so most people don’t know about it,” aniya.
“I’d like people to do research before giving an opinion on the way that I look. It is uncomfortable and it is not easy to have gigantomastia,” giit pa niya.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News
