Matapos nina "Carrot man" ng Mountain Province na si Jeyrick Sigmaton, at "Badjao Girl" na si Rita Aviola, may panibagong nakatawag ng atensiyon sa mga netizens dahil sa taglay niyang kakisigan--ang isang buko juice vendor sa Iloilo City.

Sa teaser ng programang “i-JUANder,” sinabing nagtitinda ng buko juice sa Parola sa Iloiloc City si Frenchant Camino.

Umani na ng libu-libong likes at reactions mula sa netizens ang post sa Facebook page nang ipakita ang larawan ni Frenchant.

"Viral at trending online ang litrato ng buko juice vendor na si Frenchant Camino. Agaw-pansin kasi sa mga netizen hindi lang ang kanyang bentang buko juice kundi ang mala-artista niyang datingan! Kaya naman agad hinanap ng aming team ang viral na buko juice vendor sa Iloilo para sa isang munting surpresa," ayon sa post.

Maging ang content creator na si Wil Dasovich, nagkomento sa post.

“Giving me Carrot Man vibes,” ani Wil.

Ang tinutukoy na Carrot Man ni Wil ay si Jeyrick Sigmaton na mula sa Mountain Province, na nag-viral ang mga larawan habang nagbubuhat ng naturang tanim.

Hinangaan din noon ng netizens ang angking ganda ni Rita Aviola, na binansagang "Badjao Girl," matapos na makuhanan din siya ng larawan habang namamalimos sa lansangan.

Tunghayan ang kuwento ni Frenchant sa programang "i-JUANder"  sa darating na Linggo ng 7:35pm sa GTV, at masdan ang kaniyang hitsura matapos ang isinagawang makeover. 

Ano naman kaya ang magandang itawag sa kaniya?--FRJ, GMA Integrated News