Patok sa social media ang video ng Pinoy physical therapist sa Malaysia habang nagsasagawa ng hilot-palagatok o bone setting. Ang gamit niya, isang strap na nakalagay sa leeg at ulo ng pasyente at dahan-dahang hahatakin. Kahit sinasabing nakakapagdulot ito ng ginhawa, ligtas ba itong gawin?

Sa isang episode ng programang "Pinoy MD," sinabing lisensiyadong massage therapist si Jepoy Kiroro na nagkakahalaga ng P1,500 ang singil sa bawat session ng kaniyang bone setting o hilot palagatok.

Pero ang bone setting o hilot palagatok ay iba raw sa mas kilala na chiropractic treatment.

Maganda raw ang naturang bone setting o hilot palagatok sa mga taong madalas na sumakit ang buto sa batok. Naiaayos daw kasi nito ang mga naiipit na ugat na dahilan kaya sumasakit ang likod.

Ayon sa Orthopedic surgeon na si Dr. Deejay Pacheco, ang pananakit ng likod o batok ay may kinalaman sa madalas na pagyuko na kung tawagin ay text neck syndrome.

Nakakaapekto rin umano sa leeg ang pagbubuhat ng mabibigat at maling posture. Sa ganitong mga kaso, cervical traction umano ang ginagamit ng mga lisenyadong eksperto.

"Hinihila namin pero 'yon naka-calculate kung gaano kabigat bago hilahin. Dahil kapag nasobrahan puwedeng ma-paralyzed ang isang tao," paliwanag ni Pacheco.

"Kailangang under professional observation para mahila para kung may mangyari, mayroon doon na makakatulong,"dagdag niya.

Ang Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care, ang ahensiya sa ilalim ng Department of Health na nangangasiwa sa pag-unlad at paggamit ng mga tradisyunal at alternatibong panggagamot sa bansa, hindi pa masabi kung ligtas na sumailim sa bone setting o hilot palagatok.

Mungkahi nila, makipag-ugnayan sa kanila ang mga nagsasagawa nito upang magkaroon ng masusing pag-aaral. Tunghayan sa video ang mga impormasyon tungkol sa hilot-palagutok.--FRJ, GMA Integrated News