Dumarami ang mga may access sa social media kahit ang mga bata. Pero may mga magulang din naman na hindi pinapayagan ang kanilang anak na magbukas ng kanilang account. Ano nga ang tamang edad para payagan ang bata sa social media at ano ang epekto nito sa kanila?
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24Oras" nitong Biyernes, sinabing kahit madalas na nakikita sa social media ang magkapatid na Zia at Sixto Dantes, napag-alaman na wala silang sariling account.
Mismong ang ina nila na si Marian Rivera ang nagpasya na papayagan lamang niya ang mga anak na magkaroon ng sariling social media account kapag nasa tamang edad na sila at tamang pag -iisip.
Pero ano nga ba ang tamang edad ng bata para magkaroon sila ng sarili nilang social media account?
Batay umano sa alituntunin ng ilang social media platform, dapat ay 13-anyos ang bata bago payagang gumawa ng kaniyang account.
Gayunman, sinabi ng isang privacy at data protection expert na hindi ito lubos na nababatayan at naipatutupad.
"One layer lang 'yon. Kasi 'di ba beyond that paano mo naman ngayon made-determine na 'yung actual na gagamit ng account na ay 'yung same person na nag-register," sabi ni Jamael Jacob.
Ang siyam na taong-gulang na si Claudette, mayroong Fabecook account matapos tulungan ng kaniyang mga magulang na gumawa nito.
Nagagamit daw ng bata ang account para makipag-ugnayan sa kaniyang mga kaibigan.
Tinitiyak naman ng kaniyang ama na nasusubaybayan niya ang anak sa paggamit naturang social media.
Ang tatlong-taong-gulang na si Zia, mayroong sariling Tiktok account na ginawa at mini-maintain ng kaniyang ina.
Mga pagsasayaw ni Zia ang laman ng account niya na umabot na sa isang milyon ang followers.
Dahil bata, na-takedown minsan ang account ni Zia nang may mag-report na ikinalungkot at pinanghinayangan ng kaniyang ina.
Ang ama naman na si Louie, pinapayagan ang kaniyang anak na gamitin ang kaniyang Youtube account para mayroon paglibangan.
Para sa isang psychology expert, dapat i-delay ang paggamit ng mga bata sa social media at hayaan silang makapaglaro.
"Sometimes we mistake it na natututo sila sa mga pinapanood nila etc... pero actually passive learning 'yon lalo na kung manonood ng video," sabi ni Anna Cristina Tuazon, PSY,D. Associate Professor, Dept. of Psychology, UP Diliman.
"Ang pinakamainam pa rin ay talagang nakikipaglaro yung magulang [sa mga bata]," dagdag niya.
Paalala naman ng Anti-Cybercrime Group ng PNP, may sarili mang account o nakikigamit lang sa magulang, dapat umanong mahigpit na bantayan ang mga bata na lantad na sa social media dahil tumataas umano ang bilang ng mga batang nabibiktima ng cyber criminals. -- FRJ, GMA Integrated News
