Kon'nichiwa, kamias!

Walang atrasan si Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko sa isang espesyal na kusina challenge: ang pagluto ng all-time Pinoy favorite na sinigang sa kamias.

Pero ang recipe ni ambassador — with a little taste of Japan!

Sa isang vlog na inilabas ng Japanese embassy nitong Biyernes, palaban sa pagluto si Koshikawa suot ang kanyang barong Tagalog at gamit naman ang chopsticks bilang panghalo sa niluluto.

Pinakita niya ang kaniyang proseso sa paghanda ng sinigang na hipon. Kasama sa kanyang recipe ang sibuyas, kamatis, gabi, kangkong, salted water, patis, toyo, at siyempre — ang sariwang kamias.

"Magululuto ako ng kamias sinigang. Let's get kamias from my garden," ani Kazuhiko, na makikitang pumitas ng ilang piraso ng kamias mula sa isang puno.

Pero agaw-pansin ang ilan niyang special ingredients: sake, o Japanese rice wine, at mirin, na tampok sa mga Japanese recipe dahil sa umami flavor.

Pati ang paglagay ng mga sahog sa mangkok — maayos ang presentasyon.

May cooking tip pa si ambassador. Matapos pakuluin ang kangkong sa sabaw, agad niya itong nilipat sa malamig na tubig.

"Ice water to keep [the kangkong] green, color green," ani Kazuhiko.

Katuwang sa kusina ni ambassador si Chef Suzuki, na kanya ring kasama sa pagtikim ng kanilang nilkha:

"Masarap!" sabi ni Chef Suzuki.

Ayon sa embahada, layon ng "Asim-Kilig Time" video na ito na maibida ang "tantalizing aroma that captures the essence of Filipino hospitality."

"In the spirit of the holiday season, #AmbKaz decided to spread some cheer by exploring the rich culinary traditions of the Philippines," sabi ng embahada.

Aba siyempre po, rap-sa ang Pinoy sinigang! —  Jiselle Anne Casucian/ VDV, GMA Integrated News